Wednesday, February 1, 2012

Angel Locsin: Hindi ako sasama kay Phil Younghusband!




Kinunan ang eksenang nagkakape sina Angel Locsin at John Lloyd Cruz sa ELJ Garden ng ABS nu’ng Biyernes ng gabi kaya naman ang saya-saya ng mga taong nanonood at panakaw-nakaw na kumukuha ng litrato sa dalawa sa pamamagitan ng kanilang cellphone.

Nasita pa nga ni Angel ang isang nanonood dahil kinukunan na pala siya ng video na hindi man lang napansin ng mga kasama niya.

Pagkatapos ng nasabing eksena ay nakitsika muna si Angel sa amin bago siya umuwi at talagang itinodo na namin ang tanong tungkol sa katakut-takot na bedscenes nila ni Lloydie base sa kuwento ni direk Cathy Garcia.

“Ay hindi lang bedscenes, kung saan-saan pa! Ha-hahaha!” natawang sabi sa amin ng aktres. “Ewan ko ba ate Reggs, sabi ko nga, ano na ba ako ngayon?

Hindi na ako nahihiya? Parang dati, may towel-towel ka pa, tapos makikiusap pa akong magbawas ng tao (sa set), ngayon parang wala na.

“Na-relax na ako kasi ipinakita naman ni Lloydie na wala naman siyang ano (malisya), tapos si direk Cathy, parang pinaramdam niya ‘yung comfort na hindi ka maiilang.

“Irerespeto ka talaga niya, sasabihin niya, ‘Anak, dito, o hayan bawas na ng tao’, ganyan. Hindi ka mako-conscious.

At tina-try ko talagang hindi rin ma-conscious kasi hindi ako sanay, sobrang hindi ako sanay. First time ko ring ginawa ‘yun,” pagtatapat pa ni Angel.

So, si John Lloyd lang pala ang makakapagpatanggal ng inhibitions ni Angel pagdating sa bedscenes? “Yung story kasi, medyo funny kasi ‘yung atake. Hindi naman siya sexy talaga (todo), so ganu’n. Saka hindi lang dahil kay Lloydie, iba kasi,” paliwanag ng aktres.

Nahahawig ba ang “Unofficially Yours” sa pelikulang “Friends With Benefits” nina Justin Timberlake at Mila Kunis?

“Nakukumpara, but siguro ‘yung situation lang, iba kasi ‘yung story and I think, ito ‘yung pelikula na, we’re brave to tackle the story na alam naman nating nag-e-exist, pero hindi pinagu-usapan kasi alam naman natin ang mga Pinoy na masyadong conservative.

“At karamihan din sa atin na hindi naiintindihan ‘yung ganitong sitwasyon, at dahil diyan, kailangan pa naming mag-interview sa mga taong comfortable sa ganitong set-up.

“Pareho kaming reporter ni John Lloyd at nagta-trabaho kami sa Manila Bulletin at nagpapasalamat din kami sa (Philippine Daily) Inquirer kasi nakapag-imerse rin kami sa Inquirer,” kuwento ng aktres.

Magiging dahilan ba ang mga bedscene nila ni Lloydie para magselos si Phil Younghusband? “Wag naman, okay lang. I don’t think so, hindi kasi siya ganu’n, eh.

Pero alam niya na may lovescenes kami, as much as possible kasi hindi kami nag-uusap tungkol sa trabaho, pero alam niya.

“Saka hindi pa naman kami ganu’n pa, so wala pa. Saka iba rin naman siya mag-isip kaya na-appreciate ko, pag secure kasi ‘yung tao, walang issues, kaya masaya ako sa ganu’n (set-up).

“Hindi rin naman din ako selosa, pero pag may dahilan, e, babay na talaga,” diretsong saad ng dalaga.

Samantala, hindi pala type ni Angel manirahan at magtrabaho sa ibang bansa at dahil sa ibang bansa lumaki si Phil ay sinabi ng aktres, “Naku, ibenta niya ang bahay niya roon at dito siya manirahan. Ha-hahaha!

“Ewan ko, hindi ko ma-imagine ang sarili ko na doon manirahan o magtrabaho, parang hindi ko makita. Nandito kasi ang pamilya ko kaya wala akong plano.

Samantala, sa Peb.15 na mapapanood ang “Unofficially Yours” nina Angel at Lloydie mula sa direksyon ni Cathy Garcia under Star Cinema.

-Bandera

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...