Tuesday, February 28, 2012

Kris Aquino at Ruffa Gutierrez kinalimutan na ang away na kababawan lang ang pinagmulan !

Noong Biyernes ay isang engrandeng pagtitipon ng mga pinakasikat na celebrities ang ginanap para gunitain ang ika-dalawampu’t anim anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Naghandog sila ng isang libreng concert para sa mga kababayan natin sa pangunguna ni Ogie Alcasid. Muling nasaksihan ang pagsasama nina Kris Aquino at Ruffa Gutierrez dahil sila ang mga tumayong hosts sa nasabing event kasama pa ang isa pa nilang kaibigan na si AiAi delas Alas.

Matatandaang nagkaroon nang hindi pagkakauna­waan sina Kris at Ruffa noong isang taon at mula noon ay hindi na nila napag-usapan kung anuman ang naging problema nila. Nagkita na rin ang dalawa sa isang event sa Resorts World kamakailan pero simpleng hi at hello lang ang nangyari sa kanila noon. Sa muli nilang pagsasama noong Biyernes ay tuluyan nang nagkaayos at nagkapatawaran na sina Ruffa at Kris.

“All is well that ends well, and I’m happy kasi I mean effort ’yung ginawa ni Ruffa to be here tonight and I’m so appreciative of that effort,” nakangiting pahayag ni Kris.

Pahayag naman ni Ruffa, “Umiyak-iyak ako kanina dahil hindi naman kami talaga nakapag-usap since that incident. Sabi ko sa kanya, ‘Uy! Kris sorry ha? Hindi ko naman talaga alam na may pinagdadaanan ka pala noon ’di ba?’”

Inamin din ng dalawa na kinalimutan na nila ang hindi pagkakaunawaan dati. Matagal na rin kasi silang magkakilala at kababawan lamang ang naging dahilan ng kanilang tampuhan. Lumaki ang isyu sa pagitan ng dalawang uncoupled celeb na dahil sa kasagsagan ng kampanya at eleksiyon noon.

Masayang-masaya ang dalawa dahil mu­ling nanumbalik ang kanilang friendship. Nagkabiruan pa sina Ruffa at Kris na pareho kasi silang mabait kaya nangyari ito sa kanila.

“Ito, walang halong any ka-plastikan or pagpapa-cute or whatever kasi we’re at that point in our lives na, the past is behind us. Okay ang present. We can look forward to the future,” sabi ni Kris.

Pagkatapos ng concert ay nag-post pa ng mga messages sina Ruffa at Kris sa kani-kanilang Twitter account kung gaano sila kasaya sa katatapos lamang nilang pagkikita.

-Boy Abunda | Pilipino Star Ngayon

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...